LIPA EVANGELICAL CHURCH MAIKLING KASAYSAYAN Ang Iglesia Evangelica ng Lipa (Lipa Evangelical Church) ay isa lamang sa mga naging bunga ng dakilang gawain: ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Sa pamamagitan ng Iglesia Presbiteriana ng America (Presbyterian Church in the U.S.A.), dumating sina Rev. & Mrs. James Rodgers noong Abril 1899 bilang kauna-unahang misyonero ng Iglesia Presbiteriana dito sa Pilipinas. Bukod sa mga misyonerong Presbiteriano, marami pang misyonero ng ibang grupo ng pananampalatayang Protestante ang dumating sa Pilipinas noong mga panahon ding iyon. Ang mga grupong ito ay mga sanga ng Kilusang Pagbabago na pinangunahan ni Martin Luther sa Europa noong ika-16 na siglo. UNANG DEKADA: PAGHAHASIK NG BINHI
Pagkaraan ng mahigit na sampung taong paghahasik ng pananampalatayang Protestante, nakarating sa Lipa si Rev. Monico Estrella noong Mayo 1907. Siya ang kauna-unahang Pilipinong Pastor ng Iglesia Presbiteriana. Mula sa Bauan, Batangas kasama ang kanyang pamilya, sila ay tumira sa tahanan ni G. Felix San Pedro sa Lumang Baraka (Palengke). Nag-anyaya si G. San Pedro ng mga kapitbahay at 25 na katao ang dumalo at nakinig sa unang pangangaral ng Mabuting Balita. Nang magtatapos ang buwan ng Mayo, nabuksan ang puso ng mag-asawang Justo Reyes at Maria Laygo at inilipat ang pangangaral sa kanilang tahanan na nasa gitna ng bayan at malapit sa Simbahang Katoliko. Maraming nagsidalo gabi-gabi buhat sa Cumba-Adya, Latag, Sabang, Lumbang, Mataas na Lupa at iba pang mga karatig-pook. Ginawa ang unang pagbabautismo noong Nobyembre 1907 na kung saan ay 12 katao ang nagpahayag ng kanilang pagtanggap at pananampalataya sa Diyos na nahayag kay Jesukristo ayon sa patotoo ng Santa Biblia. Kabilang sa 12 ay sina Felix San Pedro, Justo Reyes,Constantino Flores,Luciano Alvarez,Jose Alvarez, Faustino Reyes, Simplicio Isabelo, Luciano Alvarez Jr., Gregorio Estrella, Maria Reyes, Benigna Flores,At Julia Alvarez. Ang unang kapisanan ay naghalal ng pamunuan at ito’y ang mga sumusunod: Justo Reyes, Pangulo; Simplicio Isabelo, Kalihim; Maria Laygo-Reyes, Ingat-Yaman; Constantino Flores at Jose Alvarez, mga kagawad. Ang unang hakbang na pinagtibay ng kapisanan ay ang magkaroon ng sariling libingan, ang Libingang Protestante. Ito ay nagkaroon ng katuparan sa pamamagitan ng isang parcelang lupa na kaloob ni G. Constantino Flores, humigit kumulang sa isang hectaria na nasa Nayon ng Antipolo at karatig ng Libingang Katoliko. Bago natapos ang buwan ng Nobyembre ng taon ding iyon, ay inihingi ng kapahintulutan ang hakbang na ito sa Doctor Provincial, Sanidad Provincial at ng Presidente ng bayan ng Lipa na si G. Gregorio Katigbak. Naganap ang ikalawang pagbabautismo noong ika-8 ng Enero 1908 at kabilang sa 25 katao na nagpabautismo ay sina Juan Abacan, Alejandro Gube, Benito Alvarez at Laureano Lipit. Noon din idinaos ang kauna-unahang pagdiriwang ng Banal na Hapunan (Sta Cena) at buhat noon ay tuwing ikatlong buwan ito ginagawa. Noong Abril 1908 ay hinalinhan ni Rev. Guillermo Zarco (isa rin sa mga naunang Pilipinong Pastor) si Rev. Monico Estrella na noon ay nalipat sa Tondo, Maynila. Nang mga sumunod na buwan ng Mayo, nakarating sa Lipa sina Dr. George Wright, Dr. James Rodgers na pawang mga misyonero ng Iglesia Presbiteriana at si Miss C. Bartholomew ng Instituto Biblica ng Maynila. Sa loob ng ilang araw nilang pananatili sa Lipa, nagdaos sila ng pag-aaral sa Biblia para sa mga kaanib ng Iglesia Evangelica. Nagtanong si Dr. Wright kung sino ang gustong mag-aral sa seminaryo sa Maynila at tatlong binata ang nagtaas ng kanilang kamay. Sila ay sina Alejandro Gube, Benito Alvarez at Juan abacan. Nang mga panahon ding iyon, nakarating ang Mabuting Balita sa nayon ng Cumba at nagpabautismo ang marami, kabilang ang mag-asawang Segundo Tiquis at Gertrudes Dilao. Naging bukas palad ang mag-asawang ito sa pagpapatuloy at pagtanggap sa kanilang kabutihan, napapagwikaan ng ilan ang mag-asawang ito ng “kung ganyan sila nang ganyan ay darating ang araw na kakain sila ng basahan”. Nagpatuloy ang pangangaral ng Mabuting Balita hanggang sa Latag, Sabang, Lumbang, Cumba-Adya, Mataas na Lupa at iba pa. Ang mga naunang kaanib, katulad sa ibang bayan ay nakaranas ng mga pag-uusig dulot ng kanilang pagyakap sa bagong pananampalatayang Evangelico (Protestante). Ayon sa kanilang patotoo, naranasan nilang habang nagkakatipon sa mga tahanan ay nakapinid ang lahat ng bintana upang sumalag sa mga batong inihahagis sa kanila mula sa labas, kagagawan ng mga taong oposisyon sa bagong pananampalataya. PAGBABAHAGI NG TINATANGKILIK Sa pagdaan ng mga panahon ay patuloy na nagiging matatag at masigla ang kapatiran. Noong Enero 1918 ay nadestinong Pastor si Rev. Alejandro Gube at taon ding iyon, buwan ng Disyembre, ay ipinagbili ng mag-asawang Justo Reyes at Maria Laygo ang kanilang lote na ginagamit ng Iglesia sa pananambahan. Dahil doon, ang Iglesia ay napilitang bumili ng lupa na siyang kinatitirikan ng kasalukuyang simbahan. Iyon ay nabili kay G. Ramon Morada sa halagang P 700,00. Naging masigasig ang bawat isa sa pagkakaroon ng bahay sambahan. Dahil sa mithiing iyon, ang mga kababaihan ay kaagad na kumilos at nakaipon ng halagang P 1,000.00 na siyang ipinagpasimula ng pagpapagawa ng simbahan. Umabot sa halagang P6,000.00 bago natapos ang nasabing simbahan na nilagyan ng pangalang IGLESIA EVANGELICA at itinalaga noong Enero 1923. Ang kabuuang halaga na nagastos sa pagpapatayo ng simbahan ay mula sa mga bukas-palad na mga kaanib na nagbahagi ng kani-kanilang mga tinatangkilik gaya ng mga alahas: singsing, hikaw, kuwintas, at iba pa. Pinangunahan ni Bb. Trinidad Reyes at Gng. Trinidad Gube ang mga kabataan sa pangingilak sa iba’t-ibang nayong sakop ng Lipa. Mayron ding ilang mga hindi kaanib na nagkaloob ng tulong tulad nina G. Gregorio Aguillera, Jose Intsik, Presidente Gregorio Katigbak at iba pang mga kaibigan ng Iglesia, sila’y nagkusa ring manghingi sa bawat kakilala. Ang Iglesiang ito ay hindi humingi ng tulong sa misyon estranghera ng ano mang halaga. PANAHON NG DIGMAAN Naapektuhan ang buhay ng Iglesia noong sumapit ang dekada kuarenta (1940’s) nang sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig. Maraming institusyon ang napasara noon: mga tanggapan, mga tindahan, bahay kalakalan at marami pang iba. Ang mga kaanib ng Iglesia ay nagkawatak-watak sa kadahilanangg sila’y nagsilikas sa kabayanan upang tumungo sa mga dako na kani-kanilang pagtataguan. Nawaglit ang pagtitipon-tipon at naiwang nangungulila ang bahay sambahan. Nadama ng lahat ang kahirapang dulot ng digmaan: kakulangan sa pagkain, kabalisahan, kaba at takot. Dahil sa mga karanasang iyon, naging subok at matatag sila sa pananampalataya. Bagama’t hiwa-hiwalay ang mga dako na pinagtataguan ng mga kaanib, nagpatuloy ang bawat isa sa gawain ng pananalangin, pananambahan, pag-awit ng mga himno sa kani-kanilang mga grupo na nasa mga kabundukan at kabukiran. Ang gusali ng bahay simbahan ay hindi gaanong napinsala ng digmaan. Maliban sa ilang tama ng mga bala sa bubong, dingding at bintana ay naroon pa rin ang kabuuan ng gusali. Hindi katulad ng ibang mga gusali sa kabayanan, ito ay naligtas mula sa pagkasunog at tama ng mga bomba. Nanumbalik ang dating mga gawain pagkatapos ng digmaan. Bagama’t dama pa rin ng mga tao ang kahirapang dulot nito hindi ito naging hadlang sa pagpapatuloy ng Iglesia sa kanilang mga gawain ng paglilingkod. PAGSILANG NG UNITED CHURCH OF CHRIST IN THE PHILIPPINES Noong Mayo 25, 1948, 167 mga delegado mula sa tatlong mga Iglesiang Evangelico ang nagtipon-tipon sa Ellinwood Malate Church. Ang tatlong ito ay ang Evangelical Church, ang Philippine Methodist Church at ang United Evangelical Church in the Philippines (UECP). Bawat kinatawan ng tatlong mga Iglesia Evangelicang ito ay sumang-ayon sa pagsapi sa bagong Iglesia na ngayon ay United Church of Christ in the Philippines (UCCP). Ang Lipa Evangelical Church ay bahagi noon ng United Evangelical Church in the Philippines na nabuo naman noong ika-15 ng Marso, 1929. Ang UECP ay binubuo ng dating mga Iglesia Presbiteriana, Congregationalist, United Brethren at United Church of Manila. Simula noon, ang mga Iglesia na nasa ilalim ng UCCP ay pinangunahan ng mga Pilipinong lider. Ang pagka-independiente nito ay nangahulugan ng malaking kabawasang suporta mula sa mga dayuhang simbahan. Naging patuloy naman ang pag-unlad ng bagong Iglesia sa kabila ng kanyang pagiging “self-reliant”. Ang iba-ibang Iglesiang Ebangheliko na nagsanib upang mabuo ang UCCP ay batay sa kanilang paniniwala na iyon ang kalooban ni Jesukristo sa kanyang Iglesia: ang “maging isa nawa silang lahat” (Juan 17:21). PAGSULONG AT PAG-UNLAD Kapuna-puna ang kasiglahan at katapatan ng mga kaanib sa kanilang panampalataya. Bunga nito, lalo pang nag-iibayo ang kanilang pagiging bukaspalad. Noong mga huling taon ng dekada singkuenta (1950’s), panahon ni Rev. Isagani Gube, giniba ang lumang simbahan at itinayo ang kasalukuyang simbahan. Ito’y napasimulan dahil sa abuloy ng mag-asawang Segundo Tiguis at Gertrudes Dilao na halagang P 8,500.00 humigit kumulang. Ang halagang ito ay pinagbilhan ng kanilang lupa sa Arawan, San Antonio, Quezon. Natapos ang bahay ng sambahan sa tulong ng marami pang mga kaanib na umabot sa halagang P 18,000.00. Ito ay nayari sa guhit ni Arkitekto Felix ng Maynila at Arkitekto Cesar Saludo ng Lipa at kaanib ng Iglesia. Sa pagbabalik ni Rev. Isagani Gube noong 1964 mula sa kanyang pagkadestino sa Batangas City UCCP, naipaayos ang harapang bakod ng simbahan sa kasalukuyang kaayusan. Ito ay naisagawa sa tulong ng mag-asawang Lino Cahayom at Naty Lacdao. Noon namang mga panahong 1969-70, ipinaayos ni Rev. Vicente Aguila ang dating opisina ng Pastor at palikuran ng Simbahan. Sa panahon ding iyon sinimulan ng konsilyo ng Iglesia at ng buong kapatiran ang pagpapatayo ng Christian Education Building sa pangangasiwa ng Moderador Isagani Gube. Noon tuluyang naalis ang mga bahay na nakatayo sa lupa ng simbahan. Isa sa mga ipinagiba ay ang bahay ng mga kapatid na Thomas at Tinay Yrad at ang ilang materyales noon ay kanilang ipinagkaloob para sa pagpapatayo ng bagong gusali. Ang pondong ginamit para sa gusaling iyon ay mula sa Loan Fund ng UCCP at unti-unting binayaran ng Iglesia ng mga sumunod na panahon. Sa kasalukuyan, ang itaas ng gusaling iyon ay tirahan ng mga diakonesa at ang ibaba ay silid-aralan. Ng mga panahong 1977-78, nadagdag ang isang gradong gusali sa pagitan ng Casa Pastoral at Deaconess’ Quarter na ngayon ay ginagamit ding silid-aralan kasama ang ibaba ng Casa Pastoral. Sa pangunguna ni Miss Senna Cavida, pormal na binuksan ang GRACE KINDERGARTEN SCHOOL noong Hulyo 1970 at binigyang rekognasyon ng pamahalaan noong 1975. Ang programang ito ng Iglesia ay bahagi ng kanyang misyon para sa mga bata sa pamayanan. Ang mga kagamitan ng paaralan ay mula din sa mga kaloob ng mga kaanib. Patuloy na naging kaagapay ng mga nangangasiwa ng paaralan sa pagsulong at pag-unlad ang Parents-Teachers Fellowship. Ilan sa mahahalagang tulong ay ang jungle gym, castle slide, swing, pagpapasemento ng playground, waiting shed at marami pang iba. Noong Nobyembre 1985, pinangunahan ng Kalalakihan ng Iglesia ang pagpaptayo ng kapilya sa sementeryo. Doon isinasagawa ang pang-ala-alang pananambahan tuwing Unang araw ng Nobyembre at gayon din ang mga ritwal ng paglilibing. Ang kaunlarang tinataglay ngayon ng Iglesia ay bunga ng pagpupunyagi ng mga kaanib at ilang mga kaibigan ng Iglesia . Bagama’t hindi natin maihahanay ang lahat ng kanilang mga pangalan ay hindi malilimutan ng kapatiran ang kanilang pagmamalasakit sa kanilang Inang Iglesia. MUSIKA: NAGPAPAHAYAG NG PAG-IBIG NG DIYOS Sa mga Iglesia ng Kumperensya ng Katimugang Tagalog ay kilala ang Lipa sa pagkakaroon ng mahuhusay na mang-aawit. Totoo ang pagkakilalang ito sapagkat nasa loob ng kapatiran ang mga may damdaming makamusika tulad ng mga kapatid na Eusebio Baroja Sr., Isidro Reyes at marami pang iba. Malaki rin ang naging ambag ng mga kadeteng napadestino sa Fernando Airbase tulad nina Maj. Eliseo Camaganacan mula sa Mindanao, Maj. Thomas Yrad Sr. mula sa Visaya, at Col. Miguel de Guzman mula sa Norte ng Luzon, kinilala na nila at inaring tulad sa isang “home Church” ang Iglesia Ebngelica ng Lipa samantalang sila’y malalayo sa kani-kanilang sariling bayan. Hindi lamang sa musika kundi malaki rin ang naging ambag ng mga kadeteng ito sa pagpapasigla ng mga kabataan, hanggang sa dito na sila namalagi sa Lipa sa kadahilanang mga taga-Lipa ang kanilang naging asawa. Sila’y nagpasimula sa Iglesia noong mga panahong 1947 pagkatapos ng tag-Hapon nang sila’y idestino sa Fernando Air Base. Hindi lamang sa mga hanay nila naroon ang mahuhusay na mang-aawit kundi nagpatuloy ito sa mga sumunod na henerasyon, sa kanilang mga anak hanggang sa kanilang mga apo. Higit na naging organisado ang koro ng Lipa nang madestino sa Iglesia si Bb. Marilyn Merrick at Nida Apurado bilang Diakonesa at Choir Director noong 1960 hanggang 1965. Lalong napagyaman ng mga kabataan ang kanilang kahusayan sa musika hindi lamang sa pag-awit kundi maging sa pagtugtog. Ang ilan sa kanila ngayon ay mahuhusay na mga Choir Director na rin ng iba’t-ibang grupong korista tulad nina Miss Lucita Baroja, Mr. Pamfie Baroja, Mr. Thom Yrad, Miss Doreen de Guzman at Mr. Arlante de Guzman. Noong Oktubre 1980, nagdaos ng Konsierto ang Iglesia ng Lipa na pinamagatang “Ang Aking Pananaw… Isang Pangarap”. Ito ay tinampukan ng GMSTCYF (Greater Manila-Sothern Tagalog Christian Youth Fellowship) Choir na marami sa mga kaanib ay mula sa Iglesia Evangelica ng Lipa at pinangunahan ng kanilang Direktor na si Mr. Pamfie Baroja. Ang perang nalikom ay ibinili ng Piano at Electric Organ para sa simbahan. Magmula noon ay taunan na silang nagsasagawa ng Christmas Cantata at mauunlad na rin sila sa mga gamit teknikal na ginagamit nila tuwing sila ay may pagtatanghal. Ang musika ay isa sa mga dahilan ng pananatiling pagkakabuklod ng mga kabataan. Subalit hindi nangangahulugan na eksklusibo ang koro para sa mga kabataan. Ang kanilang nakagagalak na mga awitin ay isa ring alulod ng paghahayag ng Mabuting Balita ng Diyos para sa lahat. PAGPAPANIBAGONG SIGLADumarating sa buhay ng ilang mga kaanib ang panlalamig sa mga gawain ng Panginoon. Nangyayari ito sa kadahilanang sila ay hindi nararating ng mga manggagawa o ng ilang kasamahan sa Iglesia o dahil na rin sa kanilang sarili. Karaniwan ito lalo’t higit ay sa mga taga-nayong malalayo sa bayan o sa simbahan. Noong Hunyo 1980, pinagkalooban ng karapatan si G. Danny Roberto upang maging Ebanghelista ng Lipa Evangelical Church. At sa pamamagitan niya ay muling nabuksan ang gawain sa Arawan, San Antonio, Quezon kung saan ay naging kabalikat niya si Miss Remy Zamora. Nang panahon ding iyon, ang gawain sa Cumba ay pinangunahan ng mag-asawang Eusebio at Nena Baroja at ng kanila pang mga kasamang kabataan na nagtuturo ng Sunday School. Sa panahon ni Rev. Daniel Pamfilo, noong Hunyo 1984, ang programang pang-ebanghelismo ay inilunsad at tinawag na “Balik-Sagip”. Bunga nito ang dating mga kaanib na pamilya ay muling nakasama sa mga gawain. Nagsimula din noon ang mga gawain sa Lumbang at Dagatan subalit paglipas ng ilang panahon ay pansamantalang napatigil. Dalawang boluntaryong kabataan ang nakibalikat sa gawain ng Iglesia noong Hunyo hanggang Agosto 1986 sa pamamagitan ng paglulunsad ng Bible Study groups. Sila ay sina Gary Griffith at Patricia Tallman na pawang mga taga-Amerika. Ang Iglesia ay hindi nanatili sa gawaing pang-apat na sulok ng simbahan. Naging kabahagi rin ang Iglesia sa gawaing pampamayanan sa pamamagitan ng mga kinatawang dumadalo sa gayong pagtitipon at gawain. Noong Hunyo 1986, sa pagdiriwang ng pagkakatatag ng Lungsod ng Lipa, naging tagapagsalita si Rev. Eduarte na kumakatawan sa Lipa Evangelical Church sa isang Ecumenical Service na ginawa sa Plaza Independencia. Sa pamamagitan din ng kinatawang layko, naging kabahagi ang Iglesia Evangelica sa Ecumenical Service sa pagdiriwang ng unang anibersaryo ng “People Power” noong February 25, 1987. KASALUKUYAN: NAGPAPAHAYAG NG HINAHARAP Sadyang napakalawak pa ng bukirin at nangangailangan ng higit pang pagsusumikap ng mga manggagawa ng Panginoon, ng Iglesia ni Jesukristo para sa mas masaganang ani. Sa pagtanaw ng Iglesia sa kasalukuyang kalalagayan hindi lamang ng Iglesia kundi ng lipunang kinabibilangan niya, sa iba’t-ibang suliraning kinakaharap ng mamamayan at pamayanan, sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at mithiin ng isang samahan ay matitiyak niya ang kanyang hinaharap. Hangga’t naroroon ang kanyang katatagan at paninindigan sa pangako ng Panginoon, walang pasubaling madadama niya ang kaganapan niyaon pagdating ng takdang panahon. Ang kasaysayang ito ay hango mula sa 75th Anniversary Souvenir Program, sa UCCP Calendar Planbook & Directory 1985 – 1986, ang ilan ay ayon sa patotoo ni Gng. Trinidad Gube at Gng. Dorcas de Guzman, ng ilan sa mga naging manggagawa ng Iglesia at ng ilang mga kaanib. SUNOD-SUNOD NA HANAY NG MGA NAGING MANGGAGAWA NG IGLESIA MGA PASTOR Rev. Monico Estrella – May 1907-March 1908 Rev. Guillermo Zarco – 1908 – 1917 Rev. Ignacio Gatchalian – 1917-1918 Rev. Alejandro Gube – 1918-1945 Rev. Josue Gube – 1945-1949 Rev. Alejandro Gube – 1950-1952 Rev. Vicente Aguila – 1952-1954 Rev. Marvin Lorico – 1954-1955 Rev. Nemesio Lorico – April 1956-May 1962 Rev. Samuel Casiano – May 1962- Aug 1964 Rev. Isagani Gube – Sep 1964- Feb 1967 Rev. Vicente Aguila – Mar 1967 – 1969 Rev. Samuel Casiano – Feb 1969 – 1970 Rev. Edgardo Pandez – Mar – Apr 1970 Rev. Alfonso Belulia – Mar – May 1971 Pastor Rizaldo Bahia – Sep 1971 – May 1972 Rev. Pepito Roasa – Jul – Dec 1972 Pastor Regalado Rodriguez – Feb 1973 – May 1974 Rev. Daniel Pamfilo – Jul 1974 – Dec 1976 Rev. Isagani Gube – Jan 1977 – May 1979 Rev. Rock Castillo – Jul 1979 – Feb 1980 Rev. Noriel Capulong – May 1980 Rev. Roberto Mendoza – Jun 1980 – 1984 Rev.Daniel Pamfilo – Jun 1984 – 1986 Rev. Salvador Eduarte – Jul 1986 – Jan 1987 Pastor Noel Suministrado – Jun 1986 – Jan 1987 Pastor Arnel Faller – Apr 1987 – 1992 Rev. Isaias Manano – Jul 1988 – 1989 Rev. Dennis Duhaylunsod – 1991 – 1995 Rev. Carlos de la Cruz – 1995 – 1996 Pastor Miguel A. de Guzman – 1996 – 1998 (Part-time) Pastor Miguel A. de Guzman – March 1998 – May 2000 Pastor Mario E. Latido – February 1998 – present Rev. Rizaldo I. Bahia – June 2000 - present MGA DIAKONESA/KINDERGARTENER Miss Arsenia Dinglasan (Mrs. Calayan) - 1928 –1930 Miss Nicolasa Laygo (Mrs. Mendoza) - 1930 – 1936 Miss Marta Cabalfin - 1936 –1962 Miss Remy Zamora – 1948 Miss Leonor Reyes – 1954 - 1955 Miss Marilyn Merrick (Mrs. Bacera) – 1960 - 1961 Miss Leonida Apurado (Mrs. Baracol) – 1964 – 1965 Miss Senna Cavida (Mrs. Bahia) – 1970 – 1973; 1974 – 1980 Miss Aida Gaspar – 1973 Miss Josefina Saliendra – 1973 Miss Ester Fresnedi – Jun 1974 – May 1975 Miss Nieves Aguila – May 1975 – 1976 Miss Edna Gutierrez – Jun 1977 – May 1978 Miss Evezer Gomez (Mrs Geron) – Jun 1977 – May 1978 Miss Loida Baroja (Mrs. Latido) – Jun 1978 – present Miss Meliha Cabuya (Mrs. Lechmann) – June 1978 Miss Jopie de Guzman (Mrs. Ramos) – May 1980 – 1983; 1984 – present Miss Josefina Saliendra – Jun 1982 Rev. Starlife Asi – 1983 – 1985 Miss Remy Zamora – 1983 – 1984; 1986 – present Miss Loida Fulgencio - 1986 – 1988 Mrs. Senna Bahia – Jun 1987, June 2000-present |